Designer mula Visayas, nagpakitang-gilas sa Paris
TANGING si Audrey Rose Dusaran–Albason ng Iloilo City ang designer mula Pilipinas na lumahok sa initimate fashion show sa Paris, France.
Itinampok niya ang kanyang koleksiyon na tinawag niyang “Gugma” (pag-ibig sa Hiligaynon) sa Paris leg ng Oxford Fashion Studio (OFS) nitong Marso 4.
Lumilikha ng ingay ang pangalan ng 32-year-old mother dahil sa kanyang istilong “feminine-eccentric”.
Inagaw ng kanyang disenyo ang atensiyon ng OFS, kumpanya na nakarehistro sa UK na nasa likod ng mga palabas sa Paris, New York, London, at Oxford.
“It felt surreal to be given a rare opportunity,” aniya sa Manila Bulletin.
Ipinapakita sa kanyang koleksiyon sa Paris ang kagandahan ng Visayas – kontemporaryong disenyo na humugot ng inspirasyon sa mga dalampasigan, ilog, at talon. Mapapansin din sa mga damit ang handcrafted details at mga palamuti na hugis dahon ng puno tulad ng anahaw o ilang-ilang.
Baguhan pa lamang siya sa fashion scene. Una siyang nagtrabaho bilang nurse simula nang magtapos sa Central Philippines University.
Tumalikod siya sa kanyang medical profession at nag-aral sa Fashion Institute of the Philippines at unang ipinakita ang kanyang mga likha noong 2014.
Nagsanay din siya sa patnubay ng sikat ng designer na si Francis Libiran. (TARA YAP)
via http://balita.net.ph/2017/03/12/designer-mula-visayas-nagpakitang-gilas-sa-paris/